Chapter 160
Naibigay na ni Lamech sa pulisya ang kopya ng video at naghain na siya ng affidavit sa korte laban kay Narciso Clasiso. Bumalik na siya sa lungsod nang isang araw at agad siyang pinatawag ni Alibata sa mansiyon. Dahil wala si Simmy sa mansiyon, malaya niyang naipakita kay Alibata ang kopya ng video ng pag-amin ni Andrie, pati na ang video na ginawa ni Azora para sa ama. Hindi na niya tiningnan ang video na pinadala ng babae bilang privacy na rin ng mag-ama. Matapos ng pagkikita nila ni Alibata ay nag-report na siya sa opisina ng head prosecutor saka inasikaso ang demanda laban kay Narciso. Si Alibata bilang complainant ay nagpasa ng complaint sa opisina ng prosecution. At dahil kakilala niya ang Deputy Chief ng City Prosecutor Office, binigay sa kaniya ang complaint ni Alibata na agad niyang tinanggap. Nagsagawa siya ng preliminary investigation at nakakuha ng sapat na ebidensya para maging ground for trial kay Narciso. Nalaman niya sa kakilala niyang clerk na nagbigay na ng counter-affidavit si Narciso at matapos ang ilang araw ay pinatawag na sila sa korte para sa hearing. Ilang proseso at pagdinig pa ang pinagdaanan nila hanggang sa nagdesisyon ang korte na guilty si Narciso sa salang falsification of documents dahil sa ginawang malisosyong pagtanim ng ebidensya laban kay Azora, adultery dahil nakipagtalik kay Aurora habang kasal pa ito kay Alibata, paglabag sa Anti-Stalking Act dahil sa palagi nitong pagsunod kay Azora sa lahat ng oras na minsan ay naninikil na sa dalaga. Nagpalabas ng restraining order ang korte at pinakulong ng hindi bababa sa isang taon saka pinamulta ng higit limang milyon si Narciso. Hindi iyon sapat para mapanagot si Narciso sa lahat ng kasalanan nito sa pamilya ni Alibata, pero sapat na ang panahon na 'yon para matahimik ang dalawang kampo. Gusto sana ni Alibata na isali ang frustrated murder sa kaso ni Narciso, pero hindi ito ang may direktang gawa sa paglason kay Azora. Sa iba niya binaling ang sisi na 'yon. Kay Simmy. Malinaw na narinig ni Alibata ang pangalan ni Simmy sa video na pinakita ni Lamech. Nandoon din ang kalokohang ginawa ni Simmy kay Aurora at Azora sa gabing naaksidente ang dalawa sa highway. Pati na ang pakikipagsabwatan nito kay Narciso. Kaya naghain siya ng panibagong complaint sa opisina na Prosecutor. Hindi na si Lamech ang may hawak sa kaso pero kakilala nito at isa ring magaling na prosecutor. Hindi nagtagal ay nagkita rin sila ni Simmy sa korte. Pinilit pa ni Simmy na pakiusapan siya pero hindi siya nakinig. Ilan taon na siya nitong niloko at nagsisi siyang hindi niya pinakinggan si Azora. Nagpabulag siya kay Simmy dahil sa labis na utang na loob niya sa babae. Hindi niya alam na ito pala ang may kagagawan kaya nagkandaloko-loko ang buhay nila ni Azora. "Ali, pakiusap!" sigaw ni Simmy nang hinawakan ito ng dalawang police. Guilty sa kasong murder at frustrated murder si Simmy. Reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong ang pinataw na parusa sa babae at kanina pa ito pumapalahaw ng iyak sa harap ng korte. Pinatahimik na ito ng judge pero pagkatapos ng trial ay pumalahaw na naman ito ng pakiusap sa kaniya. Malamig niyang sinulyapan si Simmy. "You've played well. And I'm sick of it," aniya at nauna nang lumabas ng korte. Kasunod niya si Lamech na tahimik lang. Tirik ang araw nang lumabas sila ng gusali. Inaya ni Lamech si Alibata sa kaniyang kotse at wala namang tutol ang ama ni Azora. Sabay silang lumulan ng kotse at nilakbay nito ang south coastal road. "Puntahan natin si Azora sa Santander," biglang sambit ni Alibata. Napasulyap si Lamech sa lalaki pero hindi na tumutol. Diniretso niya ang kotse tungo sa timog ng Cebu. Ilang oras ang ginugol nila sa biyahe, at huminto na rin sila sa ilang fast food para kumain saglit, hanggang sa marating na nila ang pinakatimog na munisipalidad ng lalawigan. Papalubog na ang araw sa kanluran at nakasindi na ang mga ilaw na nakasabit sa mga puno malapit sa bahay. Dahil na rin sa matatayog na puno kaya medyo madilim na sa parteng 'yon. Sabay silang humakbang papunta sa entrada ng malaking bahay. Dahil nabigyan na niya ng abiso si Hana, nakatayo na ito sa tapat ng entrada at ngiti silang sinalubong. "Nagbabasa siya sa balkonahe," kuwento ni Hana habang ginigiya sila papasok ng bahay. "Mahilig pala siyang magbasa." Marahang natawa si Alibata. "Halos puno ng libro ang kuwarto niya sa mansiyon." Masaya namang tumango si Hana. "Hindi na namin ginawa ang EDM dahil malaki ang pag-improve ng condition ni Azora sa nakalipas na mga araw." "Really?" ngiting sambit ni Alibata. "Yes. Pwede mo siyang makausap ngayon sa balkonahe." Hindi na sumunod si Lamech kina Hana at Alibata tungo sa balkonahe. Hinayaan niyang magkaroon ng pribadong pag-uusapp ang mag-ama at dumiretso siya sa kuwartong tinutuluyan nila ni Azora. Magulo ang kuwarto. Napailing siya. Inayos niya ang unan at kumot na nagkalat sa couch at kama saka palang muling lumabas at pinuntahan si Azora sa balkonahe. Nando'n pa rin si Alibata at nakita niyang magkayakap ang mag-ama. Naghintay pa siya ng ilang sandali saka pa lumapit sa dalawa. Nalaman niyang nagkaayos na sina Alibata at Azora. Pinaalam din ni Alibata ang nangyari sa kaso nina Narciso at Simmy. At dahil naging witness si Andrie, binigyan lang ito ng mababang sintensya ng husgado at pinagbayad ng ilang halaga. Bumaba ang stocks ng Clasiso at unti-unti nang nalulugi ang kompanya dahil sa biglaang pagbenta ni Andrie sa shares nito sa kompanya. Binenta din nito ang natitirang shares ni Narciso bilang bayad sa ginawang pagmaltrato nito kay Azora. Lingid sa kaalaman ni Lamech, sinabihan na ni Alibata si Andrie na ibenta ang lahat ng shares na pagmamay-ari ng mga Clasiso para hindi na makabangon ang ama nito at makapaghiganti kay Azora. Ang hindi nila alam, sikretong binili ni Robert ang shares ng kompanyang pagmamay-ari ng mga Clasiso. Si Robert na ngayon ang may pinakamalaking shares sa shipping lines at ilang negosyo ng pamilya ni Andrie. Pero hindi na nag-usisa pa si Alibata sa kung anong mangyayari sa negosyo ng kalaban niya dahil sapat na sa kaniyang nagkaayos na sila ni Azora. Ngayon na nasa mabuting kalagayan na ang anak niya, hindi na siya mag-aalala pa. ~~~ Pagkalipas ng dalawang taon... Masakit sa balat ang sinag ng araw nang lumabas siya ng malaking bahay. Gayunpaman, hindi nabawasan ang ngiti sa mga labi ni Azora. Sa araw na 'yon kasi ay malaya na siya. Dineklara na ni Hana na magaling na siya. Pero binigay niya lahat ng pasasalamat sa Diyos, dahil Siya lang naman ang tumulong sa kaniyang gumaling sa sakit at pighating dinanas sa nakalipas na mga taon. Dalawang taon na rin nang huli siyang dinalaw ng ama sa malaking bahay. Hindi niya alam kung bakit hindi na ito nagpakita simula noon. Nang tanungin niya si Lamech, tikom ang bibig nito at sasabihing mas mabuti nang walang masyadong bumibisita sa kaniya para hindi siya ma-distract. Hindi na siya nagtanong pa. Simula nang nagkaayos na sila ng ama niya, bumalik na si Lamech sa lungsod para ipagpatuloy ang pagtatrabaho nito. Halos hindi na niya ito nakita buong maghapon na siyang nagpaligalig sa kaniya. Noon kasi ay halos nakikita niya ito araw-araw. Pero nilibang niya ang sarili sa ibang bagay gaya ng pagbabasa at pagpunta sa pebble beach. Nagpapahatid lang siya kay Eman doon saka naman siya susunduin kapag naisipan niyang bumalik sa malaking bahay. 'Yon ang naging buhay niya sa nakalipas na dalawang taon at namangha siya habang inalala ang mga oras na siya lang mag-isang naglalakad sa kahabaan ng dalampasigan. Pwede pala siyang maglakbay nang siya lang mag-isa. Hindi pala. Kasama niya ang Diyos kaya hindi siya mag-isa. Napangiti siya. "Ihahatid na kita sa lungsod," sabi ni Eman at pinagbuksan siya ng pintuan ng passenger seat. Lumingon siya saglit sa kasamhan niya sa malaking bahay sa nakalipas na mga taon. Marami sa orihinal na kasabayan niya ang nakalabas na ng malaking bahay habang 'yong iba na tulad ni Sena ay piniling manatili sa loob ng bahay. May ibang bagong mukha siyang nakilala sa nakalipas na mga araw. Kumaway siya. Kaway at ngiti ang sinukli ng mga ito sa kaniya. Tumango siya saka lumulan na ng kotse. Hindi nagtagal ay nilakbay na ng kotse ang daan palabas sa malaking lupain ng mental institution. Nakita na naman niya ang kalsada kung saan matayog na nakatayo ang mga puno sa gilid at ang sanga't dahon ng mga ito ay nagbibigay ng lilim sa kotseng mabagal na tumatakbo sa tuwid na kalsada. Inaliw niya ang sarili sa panonood ng mga tanawin sa labas ng bintana. Hindi niya pinaalam kay Lamech maging sa ama na ngayon siya babalik sa lungsod. Gusto niyang sorpresahin ang dalawa sa paggaling niya kaya hindi na siya makapaghintay na makarating sa mansiyon. Balak niyang doon maghintay dahil sabi ni Lamech, doon na raw ito pinatira ng ama niya. Hah. Mas lalo siyang nasabik na makita ang lalaki na limang buwan nang hindi nagpapakita sa kaniya. Ilang oras pa silang bumiyahe hanggang narating nila ang Naga. Huminto ang kotse sa tapat ng tarangkahan ng mansiyon. Gusto sanang imbintahan ni Azora si Eman sa loob pero tumanggi ang doktor. Kailangan pa raw nitong bumalik sa Santander bago gumabi kaya hindi na siya nagpumilit. Nilakbay niya ang distansya ng tarangkahan at entrada ng mansiyon. Pumasok siya diretso sa loob. "Miss Azora?" manghang sambit ng isang kasambahay. Napalingon siya sa babaeng nanlalaki ang mga matang nakatingin sa kaniya. Mahina siyang natawa sa gulat nitong mukha. "Yes, it's me." Napakurap ang babae at hilaw na ngumiti sa kaniya. "Magpahinga na muna kayo, Miss. Tatawagan ko lang po si Sir Lamech." "Okay," aniya at dumiretso sa second floor, sa kuwarto niya. Pagbukas niya ro'n ay natigilan siya. Walang pinagbago sa kuwarto niyang 'yon. Pareho pa rin ang kulay at disenyo. Kaya lang ay may pabango ng lalaki siyang nalanghap sa paligid. Nangunot ang noo niya. Nilagay niya muna ang shoulder bag sa couch at umupo't tumihaya sa kama. Dahil na rin sa pagod sa mahabang biyahe ay nakatulog siya sa gano'ng pwesto. Nagising lang siya nang maramdamang may nakatitig sa mukha niya. Minulat niya ang mata at dilim ang sumalubong sa kaniya. Kumurap siya at umupo. Kaso napahiyaw siya sa gulat nang makita niya si Lamech na nakatayo sa harapan niya. "You startled me!" aniya. Marahang natawa si Lamech. Binuksan nito ang ilaw ng kuwarto gamit ang remote control. Nangunot ang noo niya. Hindi niya alam na may gano'n na pala sa kuwarto niya. "What are you doing inside my room?" tanong niya saka hinawi ang buhok at inipit sa likod ng tainga. "Dad might get angry at you." Napalis ang ngiti sa mga labi ni Lamech saka napaikhim. "That... I have something to tell you." Napantastikuhan siya sa pagiging seryoso ni Lamech pero hindi na nagbiro ukol doon at nakinig na lang sa lalaki. "I acquired this whole mansion from your Dad," kuwento ni Lamech. Tumaas ang kilay ni Azora sa sinabi nito. "Really?" Bumuntong-hinga si Lamech. "Yes. He put me as one of his benefactors." "Benefactor?" Seryosong tumitig si Lamech kay Azora. "Your Dad is dead." Ilang minutong katahimikan ang namayani sa pagitan nilang dalawa. Kunot ang noo ni Azora at hindi naniwala sa sinabi ni Lamech pero nang makita niyang seryoso ang lalaki, bigla na lang bumigat ang dibdib niya. Ilang sandali pa ay humagulgol siya. Mabilis naman siyang niyakap ni Lamech. Makalipas ang ilang minuto ay tumahan si Azora at tinanong ang sanhi ng kamatayan nito. Kinuwento ni Lamech na matapos nitong bumisita sa Santander dalawang taon nang nakalipas, nakita na lang ng ilang estranghero ang bangkay ng ama niyang nakahandusay sa gitna ng kalsada. Ayon sa pinalabas na autopsy report, may ininom na lason si Alibata kaya nahimatay ito sa daan. Nabagok ang ulo nito at iyon ang sanhi ng kamatayan nito. Si Lamech na ang nag-asikaso sa libing ni Alibata at lumapit sa kaniya ang isang abogado para sabihin na binigay sa kaniya ang mansion pati na ang negosyong naiwan nito. Ang nakuhang mana ni Azora mula sa ama ay isandaang milyong piso. Ibig sabihin ay napunta lahat ng monetary assets kay Azora habang private property assets naman ang kay Lamech. Silang dalawa ang ginawang benefactor ni Alibata at naghabilin na ito ng last will para kay Azora at isang liham. Binigay ni Lamech ang liham kay Azora na agad niyang binuksan at binasa. ... Azora, Isa sa pagkakamali ko ang iwan kang mag-isa sa oras na kailangan mo nang makakasama. Patawarin mo ako, anak. Labis akong nasaktan nang mawala ang ina mo at hindi ko nakitang kailangan mo ako sa panahon na nawalan ka ng isang ina. Hinayaan kita sa kamay ng babaeng sumira sa pamilya natin. Hindi ko alam kung anong gagawin ko para makabawi sa 'yo. Labis ang pagsisising nararamdaman ko ngayon, Azora. Gusto ko nang makalimot at baka sakaling makita ko ang ina mo sa pagtulog ko nang mahimbing. Nandiyan na si Lamech upang alagaan ka. Hindi na ako mag-aalala pa. Mag-ingat ka, Azora. Mahal na mahal kita. Nagmamahal, Alibata ... Mabigat ang loob ni Azora nang bumisita siya sa puntod ng ama niya. Kaya pala dalawang taon na itong hindi nakadalaw sa kaniya. Matagal na pala itong nahimbing sa libingan na hindi niya alam. Napaluhod siya at napahagulgol sa harap ng puntod ng ama. Ilang oras ang pananatili niya sa gano'ng posisyon nang may nagpatayo sa kaniya. Si Lamech. Niyakap siya nito at hinagod ang likod. Pikit-mata siyang gumanti ng yakap. "I will take care of you," bulong ni Lamech. Marahan siyang ngumiti sa pangako nito at hinigpitan ang yakap sa lalaki. Matapos bumisita sa puntod ni Alibata ay nagpalipas sila ng gabi sa isang resort. Sabay nilang tinanaw ang papalubog na araw sa kanluran. Naramdaman niya ang paghawak ni Lamech sa kamay niya. Pinagsiklop nito ang daliri nilang dalawa. Napatingin siya rito. Nakatingin din pala ito sa kaniya. Marahang ngumiti si Lamech kaya ngumiti rin siya pabalik. Hinigit siya ni Lamech palapit saka binalik ang tingin sa malayo. Kasabay ng paglubog ng araw, unti-unting naghilom ang lungkot sa puso ni Azora. Bukas, isang panibagong hamon na naman ang kakaharapin niya. Pero hindi siya nag-aalala dahil sa gitna ng gabi, alam niyang hindi siya iiwan ni Lamech. At mas lalong hinding-hindi siya iiwang mag-isa ng Diyos... THE END. 12/12/21.12:01P
Supporting your favorite author is a great way to help them create more free stories!
Comments
Post a Comment