TIRIK ang araw at tagaktak ang pawis nang bumaba mula sa inupahang tricycle si Rosana, na mas kilala sa tawag na Rosa. Malimit sa kanyang boss na ipadala siya sa isang liblib na lugar na kagaya ng Sudtonggan. Ayon dito, mas mabuting siya na mismo ang tumuklas ng katotohanan kaysa maghintay ng balita mula sa mga pulis. Malapit na ang susunod na Crime Detectives. Napabuntong-hininga siya. Ayaw pa naman niyang pumunta sa mga liblib na probinsya, dahil masama naging resulta ng huling punta niya sa mga lugar na kagaya nito. Gayon pa man, mas nanaig ang kagustuhang ma-promote sa trabaho. "Uy, inday! Bakit kako nandito? Aba'y delikado sa 'yong maglibot-libot! May gumagalang mamamatay tao. Pinupuntirya, babae! Baka ikaw na ang susunod na kakatayin!" Napantig ang tenga niya sa narinig. Pumihit siya patalikod at nakita ang isang ale na nakapameywang. Kumikinang ang buong mukha nito tuwing nasisinagan ng araw. Nakalapag naman sa magkabilang gilid ang dalawang bayong na may lamang gulay. Nagkasalubong ang dalawa niyang kilay. "Ano ho 'yon, ale?" "Ano bang ginagawa mo sa labas, ha? Alam mo namang delikado na ang panahon ngayon." Ang balitang katayan ng mga babae ba ang tinutukoy nito? Kung gayon, mapapadali ang trabaho niya rito. Napangiti siya. "Gusto ko po sanang makita ang abandonadong bahay ng mga Gonsales, kung ayos lang po?" "Susmaryosep! Bago ka rito, ano? 'wag kang pumunta do'n. Ikaw na mismo ang humahakbang sa disgrasya. Kabataan nga naman ngayon, mga walang utak!" Pinulot nito ang bayong at nilagpasan siya habang nagsesermon. "Mga babaeng puro landi. Kaya nawala ang dalaga ni kumpareng Hayme dahil sa kalandian! Lagi na lang pumupunta sa bahay ng Gonsales dahil kay Ramon! Aba'y nangangati kaya nagpakamot sa anak ng demonyong iyon! Sus! Mabuti nang hindi umuwi nang mabawasan naman ang malalandi! Buti na lang din, bumagsak ang pamilyang iyon. Lintik lang ang walang ganti!" Habang naglalakad, pahina nang pahina ang boses kaya 'di na niya masyadong narinig ang lintanya nito. Inihatid niya na lang ito ng tingin hanggang lumiko at mawala sa paningin. Huminga siya nang malalim bago pumihit paharap. Gano'n na lang ang gulat niya nang makita ang isang taong lusaw ang kaliwang bahagi ng mukha. "Iha, may pagkain ka ba? Nagugutom na kasi ako." Mariin siyang pumikit bago dumilat. Nakangiti na ang matanda. "Sandali lang ho, Lo." Dali-dali niyang binuksan ang nakasabit na shoulder bag at kinuha ang biniling tinapay sa may kanto. "Ito na ho." "Salamat iha," ngiting tugon ng matanda. Binuksan nito ang supot at kinain sa kanyang harapan ang tinapay. "Narinig kong hinahanap mo ang abandonadong bahay." "A, oho. Alam niyo po kung saan?" "Nag-iisa lang ang malaki ngunit abandonadong bahay sa lugar na 'to. Ngunit bakit mo ba iyon hinahanap, iha? Delikado ang pumunta roon. Walang kahit na sino ang nangahas na lumapit sa abandonadong bahay na iyon." Nagpagpag ito ng kamay sa maruming pantalon. "Ang sabi po nila, doon kinakatay ang mga babaeng nawawala." "Naniniwala ka ba sa kanila? Alam mo ba ang kwento ng bahay na iyon? Bago ka rito, 'di ba?" Hilaw siyang napangiti. "Lo, dahan-dahan lang po." Napatawa siya, "Galing po ako sa siyudad. Nandito po ako kasi may balitang nakarating sa amin na may katayang nagaganap sa bahay na 'yon." "Sinong nagsabi sa inyo? Alam ba ng gobyerno?" "Ang boss ko po. Kinontak din po kami ng lokal na pamahalaan. Ayaw po nilang umabot sa palasyo." "Kung gayon, mahalaga ang pagpunta mo rito. O siya, sundan mo ako at nang matapos na ang trabaho mo." Binaybay nila ang lubak-lubak na kalsada. Buti na lang, isang backpack at shoulder bag lang ang dala niya. Ilang minuto na rin silang naglalakad kaya naisipan niyang basagin ang katahimikan. "Kilala niyo po ba ang mga Gonsales?" "Oo naman." "Pwede po bang magkwento ka po tungkol sa pamilyang iyon?" "Alam mo iha, maraming kwento ang bayan na 'to. Maaaring totoo o haka-haka lang. Kaya 'wag kang basta-basta maniniwala dahil ito ang sinasabi ng karamihan. Minsan, kung ano pa ang hindi pinaniniwalaan, 'yon ang katotohanan." Napahinto siya sa paglalakad at tinitigan ang matanda. Tumigil din ito at taka siyang tiningnan. Napa-iling siya at nagsimulang maglakad. ISANG kinakalawang na tarangkahan ang bumungad sa kanila pagdating sa abandonadong bahay. Ito na rin yata ang huling bahay sa dulo ng Sudtonggan. Hindi makalusot ang sinag ng araw dahil sa matatayog na punongkahoy na nakapalibot dito. Nagmistulang madilim-dilim ang paligid. Kahit humuhuni ang mga ibon, nakabibingi pa rin ang katahimikang dulot ng nakapangingilabot na awra ng bahay. Napalunok siya. "Pumasok ka na at hihintayin kita rito sa labas." Napatingin siya sa matanda. "P-pwede niyo po ba akong s-samahan?" Ngumiti ito at umiling. Humugot siya ng malalim na hininga at humakbang paabante. "Mag-ingat ka, iha." Tinulak niya ang kinakalawang na harang. Napapikit siya nang lumikha iyon ng matinis na ingay. Nagmulat siya at dahan-dahang naglakad. Inilapag niya sa tuyong lupa ang backpack at kinuha ang kamera. Isinukbit niya ulit ito sa kanyang likod at nagpatuloy sa paglalakad. Dahan-dahan, hanggang makalapit siya sa malaking pintuan. Pinihit niya ang seradura, lumikha ng ingay. Umawang ang pinto kaya tinulak niya ito. Dilim. Binuksan niya ang ilaw ng kanyang kamera at nangunot ang noo sa nakita. Isang blankong espasyo ang naroon. Sa tingin niya, ito ang sala. Pumasok siya at humigpit ang hawak niya sa kamera. Habang naglalakad, unti-unting bumibigat ang paa niya. Para bang may humihila rito. Tumigil siya saglit at iniwagan ang paanan. Kulay itim ang kanina'y luntiang sapatos. Napalunok siya at lumuhod, pinalandas ang sariling daliri rito. Abo. Napasinghap siya. Ngayon lang din niya napansin na kulay itim ang sahig at pader. Tinodo niya ang ilaw at kitang-kita niya ang kabuuan ng sala. Itim at pilak lang ang tanging kulay na nakikita niya. Pilak para sa mga metal at ang itim na kasangkapan. Napatayo siya at binilisan ang kilos. Narating niya ang hagdan na kulay itim. Dahan-dahan siyang umakyat paitaas habang nakatutok ang ilaw sa harapan. Isang mahabang hallway ang bumungad sa kanya. Pansin niyang may arko sa itaas kaya itinutok niya ang kamera rito. Narating niya ang pintuan ng isang kwarto. Binuksan niya ang pinto at tumambad sa kanya ang isang kubre-kama. Wala na itong laman at kapansin-pansin ang lusaw na bagay sa paanan at gilid nito. Umatras siya, lumabas at isinarado ang pinto. Taas-baba ang kanyang balikat na humakbang papalapit sa ikalawang pinto. Binuksan niya ito at ganun pa rin. Napatampal siya sa noo. Ano itong napasukan niya? Hinanap niya ang pangatlong kwarto ngunit hindi niya nakita. Napatingin siya sa hagdanan papuntang itaas. May ikatlong palapag pa. Pansamantala siyang na-estatwa. Kung anong madadatnan niya sa taas, hindi niya alam. Tanging alam niya lang, naghihintay sa kanya ang matanda sa labas. Nakaroon siya ng konting lakas ng loob. Napatango siya at naglakad papalapit sa hagdanan. Bawat hakbang, kumakabog ang dibdib niya. Nagkalat sa hagdan ang ilang piraso ng bubog. Ingat na ingat siya sa paghakbang at nakahinga nang maayos matapos malampasan ang mga 'yon. At nang makita niya ang kung anong nasa harap, nanindig ang balahibo niya sa batok. Nakipagtitigan sa kanya ang isang malaking litrato ng lalaking nakangiting malademonyo. Nanginig ang kanyang kalamnan. Mariin niyang pinikit ang mga mata at tumalikod. Nagmulat siya at naging balisa nang makita ang isa na namang litrato. Isang lalaking seryosong nakatitig sa kanya. Pinikit niya ulit ang mga mata at pinakalma ang sarili. Nagmulat siya at kinuhanan ng footage ang mga 'to. Pilit niyang iniiwasang makipagtitigan sa apat na litratong nakapalibot sa kanya. Bawat segundong nakatayo siya roon, bumibigat ang dibdib niya. Halos 'di niya maabutan ang bilis ng tibok ng puso niya. Unti-unting lumalapit ang mga ito sa kanya. Nangungutya, tumatawa, nang-iinis. Mas nanlilisik ang mga matang nakatitig sa kanya. Dali-dali siyang bumaba at hindi na niya inalam kung saan siya lumiko. Habol ang hininga nang makapasok siya sa isang kwartong sinakop ng mga naglalakihang litrato ng mga babae. May nakangiti, nakabusangot, tumatawa, at blangko. Kinuhanan niya ang mga ito at sinisigurado niyang klaro ang mga mukha. Sa tyansa niya, may dalawampung litrato ang narito. Nasa ikalabinsiyam na litrato na siya nang may kumalabit sa kanya. "Miss, bakit ka nandito?" Napahiyaw siya sa takot at nabitawan ang kamerang hawak. Mabuti't hindi nawasak. Dahan-dahan siyang humarap sa lalaking nakasuot ng uniporme. "Bakit mo ba ako ginulat?!" "Nasa restricted area ka, miss. Labas na." Inis niyang pinulot ang sirang kamera. Buti na lang, may dalang flashlight ang pulis. Nagpapadyak siya sa inis at tumalikod. Nakasunod lang ito sa kanya. Naalala niyang may ika-dalawampung litrato pa kaya bigla siyang humarap at hinanap ito. "Miss, ano ba?!" Nanigas siya sa kinatatayuan at tumindig ang lahat ng balahibo niya sa katawan. Hindi siya nakakibo habang tinititigan ang ika-dalawampung litrato. "Miss?" Hindi siya naka-imik. Ni hindi niya naramdaman ang butil ng luhang naglandas sa pisngi niya. Namalayan niya lang na nasa labas na siya, kaharap ang matanda. "O, bakit ka umiiyak, iha?" Umiling siya at piniling hindi isalaysay ang nakita. Nilibot niya ng tingin sa paligid. May mga pulis, ang iba'y nag-uusap, mayroon namang nag-oobserba. Nakahinga siya nang maluwag. Kumilos na ang lokal na pamahalaan. "LO, babalik na po ako sa siyudad. Ayaw niyo po bang sumama? May mga mag-aalaga sa inyo roon," aya ni Rosa at humigop ng kape. Nasa presinto sila. "Maayos na ako rito, iha." "Sigurado po kayo?" Tumango ang matanda pagkuwa'y ngumiti. "Oo naman. Magkikita pa tayo." Ngumiti pabalik si Rosa ngunit 'di niya maintindihan kung bakit parang may mali sa ngiti ng matanda. Pansin din niyang pasulyap-sulyap sa kanya ang isang pulis. SAKAY ng isang bus, kinukumpuni ni Rosa ang kanyang kamera. Binuksan niya ito at napangiti nang malamang gumagana pa. Tumunog ang kanyang cellphone at sinagot niya ang tawag. "Hello, boss... Opo... Nandito na po," tiningnan niya ang kamera. "Ah, opo. Papunta na po ako riyan... Salamat po." Ibinaba niya ang cellphone. Kinuha niya ang memory card ng kamera at isinaksak sa kanyang laptop. Isinaksak niya rin ang earphone at isinuot ito. Nagsimula sa labas ng bahay. Sa unang palapag, ikalawa hanggang ikatlo. Nakita niya rin ang apat na litratong nakapalibot sa kanya, kapwa nakipagtitigan sa kamera. Napalunok siya at aksidenteng napindot ang pause. Nangunot ang noo niya. Sa pagitan ng apat na litrato, nakikita niya ang mga anino. Walang kakibo-kibo. Nanindig ang balahibo niya. Pinindot niya ang play at may narinig siyang tinig. Parang kumakanta, nagsasalita... at iisa lang ang sinasambit. Pangalan niya! Dali-dali niyang biniklas ang headset at nagtaas-baba ang kanyang balikat. Nagpatuloy ang video hanggang sa kwartong maraming litrato. Nanginig ang kalamnan niya. Nasa ikalabinsiyam na litrato nang video at bigla na lang nangitim ang screen. Nahulog pala ito ngunit laking gulat niya nang bigla itong umilaw. Nakapaskil ang nakita niya sa ika-dalawampung litrato. Babaeng kilalang-kilala niya, ang naglakas loob na pumasok sa bahay na iyon. Litrato niya na lumuluha ng dugo! Nahigit niya ang hininga nang bigla na lang itong ngumiti sa kanya. Itinaas ang kamay at pilit siyang inaabot. "Sumama ka na, iha. Masaya sa abandonadong bahay na iyon," ngiting sambit ng matanda sa kanyang tabi. Naalala niya ang sinabi nito. "... Magkikita pa tayo."
Published by Sky Fiction (2018)
Comments
Post a Comment